Ang sabila o mas kilala sa tawag na “Aloe Vera”ay may siyentipikong tawag din na ” Aloe Vulgaris Lam” o “Aloe Perfoliata Linn”. Ang halamang gamot na ito ay katutubo sa Africa at karaniwang makikita ngayon sa mga tropikal na lugar at isa ang Pilipinas dito. Napakaraming benepisyo at lunas ang maaaring gawin gamit ang “Aloe Vera”.
Maaari ito maging pamahid, inilalagay sa mga gamit pampaganda at ginagamit din panglunas sa mga sakit sa balat. Kaugnay nito, maaari ring gamitin ang katas nito bilang inumin na nakakagamot sa maraming uri ng karamdaman. Kung ito ay lingid pa sa iyong kaalaman,marapat na basahin mo ang artikulong ito upang mapalawak ang iyong kaisipan sa maraming kabutihan ng katas ng Aloe Vera.
1. Ang Aloe Vera ay nakabubuti sa kalusugan ng iyong atay.
Kung ikaw ay nakararanas ng ilang sakit sa atay, maaari kang uminom ng katas ng sabila para maisaayos ang tungkulin ng iyong atay. Nababalanse rin nito ang tamang dami ng tubig na kailangan nito upang makapagtrabaho ng ayon sa iyong katawan.
2. Ang sabila ay nakatutulong sa pagbalanse ng asukal o sugar sa iyong katawan.
Ang pag-inom ng katas nito ay puno sa mga sangkap na “chromium”, “manganese”, “zinc”, at “magnesium” na siyang malaki ang magagawa sa tungkulin ng insulin sa kalusugan mo. Naisasaayos nito ang lebel ng “glucose” kung ikaw ay iinom ng katas ng sabila ayon sa maraming pag-aaral na naisagawa.
3. Ang pag-inom ng katas ng aloe vera ay nakatutulong sa pagkinis ng iyong balat.
Ito ay hindi lamang mabuti sa kalooban ng iyong pangangatawan kundi na rin sa kabuuan ng iyong pisikal na itsura. Sa pag-inom ng katas, napipigilan nito ang pagdami ng taghiyawat at iba pang hindi kanais-nais na tumutubo sa iyong balat.
Mayaman ang sabila sa mga bitamina C, mga “antioxidants” at mga mineral upang mapaganda at mapakinis ang iyong balat. Nagagawa nitong ayusin ang mga nangunguluntoy at nanunuyot mong itsura. Ang mga “fine lines” sa iyong mukha ay maaaring maiwasan din.
4. Para sa pagbaba ng iyong timbang.
Ang aloe vera ay may sangkap na “aloin” na may kabutihan at siyang may kinalaman sa maaaring pagbaba ng iyong timbang. Kung ikaw ay nakasubok na ng maraming paraan at walang nangyayari maaari kang uminom ng katas ng aloe vera. Naaagapan nito ang mga posibleng pamamaga at pamamanas na siyang nakakatulong sa iyong pagpapayat.
5. Ito ay may kinalaman sa kolesterol sa iyong katawan.
Kung ikaw ay may karamdamang may kinalaman sa alta-presyon o tumataas ang iyong kolesterol, ang pagdagdag mo ng isang basong katas ng aloe vera sa iyong inumin sa araw-araw ay mababawasan ang posibilidad na ikaw ay atakihin sa puso dahil sa pagbalanse ng iyong lebel ng kolesterol dahil sa halamang gamot na ito.
6. Nakakapaglinis ng mga lason o toxic sa katawan.
Ito ay karaniwan na lalo na kung ikaw ay gumagamit ng mga alternatibong paraan at alam naman ng lahat na nakapagpapagaan sa pakiramdam ang maayos na daloy at tungkulin ng mga parte nito. Ang pag-inom ng “Aloe Vera Juice” ay mayaman sa bitamina at mineral pati na rin ang “amino acids” na nakakalusog sa iyong katawan. Ito rin ang dahilan upang ikaw ay maging “fresh” at “blooming”.
7. Naisasaayos ang iyong sistemang panunaw o “digestive system”.
Ang pag-inom ng katas ng aloe vera ay mayaman sa sangkap na “laxative” na siyang nagdudulot ng maayos na pagdaloy ng pagkain sa iyong bituka hanggang sa paglabas nito sa iyong katawan. Naiiwasan nito ang hirap sa pagdumi o kung ikaw man ay palaging nakakaranas ng pagtitibi. Mainam din ang katas nito kung ikaw ay may “ulcer”, may kakayahang mapagaling ang mga sugat sa iyong bituka.
0 Mga Komento