Isa ka ba sa isang uri ng indibidwal na nagmamahal, kasalukuyang may minamahal o maghahanap pa lang ng mamahalin. Sapagkat kung ikaw ay isa sa nabanggit, ninanais mong palagiang makasama ang taong minamahal mo. Gusto mo palagi mo siyang nakikita sa lahat ng oras. Kung ang pagmamahal mo ay mas malalim pa ay nakapag-iisip ka pa ng mga bagay na kasama siya sa iyong kinabukasan.
Naiuugnay mo siya sa mga naisa mong mangyari tulad ng kasama mo siya sa pinapangarap mong pagbili ng una mong kotse o kaya nama’y kasama mo siya sa pagbili ng pinapangarap mo na bahay at sa iyong pagtanda. Ngunit sa kabila ng mga pagmumuni-muni ng mga ganitong bagay dapat pangunahing isaalang-alang ang pagkakaroon muna ng maganda at maayos na relasyon sa ating kasintahan. Kasama nito ang mga katangian ng isang lalaki hindi lang sa pisikal kundi mas lalong importante ang nilalaman o ang kabuuan ng kanyang pagkatao.
Narito ang mga katangian ng lalaki na dapat hindi niyo tanggapin bilang kasintahan:
1. Mga katangian ng pagiging “STALKER”.
Ito ay isa sa maaari nating batayan kung kadalasang nangyayari na kakaiba na ang pagkahumaling niya sa iyo. Nagpapakita na siya ng palagiang pagmamatyag sa mga ginagawa mo o sa araw-araw na nangyayari sa iyo.
Mas gusto niya na ginagawa ang palagi kang inoobserbahan kesa magtiwala sa mga sasabihin at sinasabi mo sa kanya. Dapat din niyang ipalagay ang sarili na may kanya-kanya pa kayong buhay na dapat ay masaya at kaaya-aya.
2. Kung ang iyong kapareha ay “MATERIALISTIC”.
Kung tayo ay nagmamahal, mas nagiging mapagmalasakit at mapag-alala tayo sa pangangailangan ng ating minamahal. Ngunit kung may napapansin ka na sa kanya tungkol sa pagkabalisa sa pera at mga materyal na bagay na hindi niya ikabubuhay kung wala ang mga ito.
Marahil ay iwasan natin ang mga taong ganito bago tayo mag-isip na “lumagay sa tahimik” sabi nga. Ang mga ganitong tao ay makasarili, kung mas masahol pa ay “sakim” at hindi mapangalaga.
3. Mga klase ng lalaki na walang “COMMITMENT” o maaari nating sabihing “non-committing”.
Kung mapapansin mo ang katangiang ito ngayon sa ka-relasyon mo, ay isang hudyat ito na mahal ka niya at gusto ka lang niya makasama ngunit wala siyang magawang pangako na may kaugnayan sa inyong dalawa upang lalong tumibay ang inyong samahan. Isa itong katunayan na hindi siya seryoso sa mga bagay-bagay at sa pagitan ninyong dalawa.
4. Hindi mo makikitaan ng pakikipagkapwa.
Isa sa pinakaimportanteng aspeto sa pagkakaroon ng karelasyon ay ang komunikasyon. Ang pagsasagawa nito ng regular upang inyong mapag-usapan ang mga bagay-bagay na inyong napagkakasunduan o napag-aargumentuhan ay malaki ang maitutulong sa ikatatagal ng inyong pag-sasama.
Kung wala ito, maaaring may itinatago siya sa iyo o maaari naman wala siyang gana sa pakikipag-usapo interes sa ikabubuti ninyong dalawa.
5. Nakikitaan ng hindi pagka-kuntento.
Ang ilan sa mga kalalakihan ay may nakakahiligang ikumpara ang relasyon sa iba. Kung nagagawa niyang sabihin ang mga pagkakaiba mo sa iyong mga kilos, pag-uugali, pakikisama, mga naabot mo sa buhay at kung mas matindi pa ay ang kabuoan ng iyong pagkatao sa ibang magkarelasyon na kanyang nakikita ay kakaiba. Nariyang gawin mo na ang lahat ng makakaya mo upang maging maayos ka sa paningin nya ngunit walang satispaksyon kang makita o makarinig man lamang ng papuri. Ito ay isang tanda na maaaring hindi magtagal ang inyong pagsasama.
6. Ang pagiging magagalitin o iritable.
Karamihan sa mga kalalakihan ay hindi kayang kontrolin ang kanilang emosyon at hindi alam kung pano pakalmahin ang sarili. Dapat mong iwasan ang ganitong uri ng tao na iyong hinahanap upang mahalin. Kung siya ay nakikitaan mong palagiang nakahiyaw, mataas ang boses, at may kasamang pananakot sa iyo, mabilis uminit ang ulo at iba pang kaugnay nito ay hindi nararapat para sa iyo.
7. Ang pagka-seloso.
Ang katangiang ito ang siyang karaniwan na mapapansin ngunit kung ito ay may kalabisan na at humantong na sa hanggang ikaw ay pagbawalan nang makihalubilo sa mundo iyong ginagalawan at nakasanayan lalo na sa mga kaibigan mong lalaki.
Kung siya ay nagpapakita ng walang katatagan at pagtitiwala sa iyo ay isang tanda na ikaw ay dapat umiwas sa mga ganitong klase ng lalaki. Kung minamahal ka ng isang lalaki unang-unang dapat magkaroon sa pagitan ninyong dalawa hindi lang sa kanya ay ang tiwala sa isa’t isa.
0 Mga Komento