Subscribe Us

Narito ang mga Negatibong Sintomas na Hatid ng Kakulangan ng Tubig sa Ating Katawan.

Malaking porsyento ng ating katawan ay binubuo ng tubig at ang isang tao ay hindi mabubuhay kung wala nito. Mabubuhay tayo ng mas mahaba ng walang pagkain at puro tubig ngunit mahirap para sa atin ang may pagkain ngunit walang tubig. Napakahalaga ng tungkulin nito sa ating buhay hindi lang sa araw-araw na gamit kundi pati na rin sa ating kalusugan.
Ilan sa mga gampanin ng tubig lalo na sa ating katawan ay ang pagpapanitili ng “moisture” ng ating mga balat upang ito ay maging makinis at kaaya-aya. Nagsisilbi rin itong pampadulas sa mga sugpungan ng ating mga buto pati na rin sa ating mga mata upang ito ay hindi matuyo. Malaki rin ang nagagawa ng tubig para sa ating panunaw ng mga pagkain. 


Pinapangalagaan din nito ang mga “tissue”, kasukasuan at ang pinakamahalagang parte ay ang ating gulugod (Spinal Cord). Ang tubig ay nagsisilbing instrumento upang mabalanse ang mga likido sa katawan. Naiaalis din nito ang mga bagay na hindi kapaki-pakinabang sa ating katawan at mga nakakalasong elemento. At isa rin dito ay ang pagsasaayos at pagmementina ng tamang temperatura na kailangan ng ating katawan.
Napakahirap isipin kung ang ating katawan ay walang tubig at ito’y imposible na gumawa ng tungkulin ng bawat sistema sapagkat ang kabuuan ay nangangailangan nito. Kaya’t ito ay isa sa mga dapat gawin ng isang indibidwal, ang panatilihin na balanse ang tubig sa kanyang katawan. 
May mga ilang bagay na nakaaapekto sa antas ng tubig na mayroon tayo. Kung tayo ay may mga pisikal na gawain lalo na kung ito ay mabibigat, kung tayo ay nakararanas ng sakit tulad ng pagtatae o LBM, madalas na pag-ihi, labis na pagpapawis, at pagsusuka. Kapag ikaw ay may mga ganitong sintomas, marapat mo ng palitan ang mga tubig na nawala o nabawas sa iyo. Makapagdudulot din ito sa iyo ng pagbaba ng “electrolyte” na siyang nagiging dahilan ng “dehydration” o pagkatuyot.
Narito, ay ilan lamang sa mga palatandaan na maaari nating makita kung tayo ay nauubusan na o bumababa ang antas ng tubig sa katawan at mahalag na ito ay malaman upang makaiwas sa higit pang kapahamakan.
1. Kakulangan sa Pokus.
Halos ang kabuuan ng ating utak ay may tubig at kung ito ay hindi magiging balanse ay makikitaan ilang pagkakaiba sa karaniwang ginagawa tulad ng pagiging makakalimutin, naaapektuhan sa paggawa ng desisyon, pag-iisip, kasama na rin ang pag-iiba ng ugali o “mood”. Kaakibat din nito ang epekto sa kakayahang makipag-usap at ang pagiging hirap sa pagpokus sa isang bagay.
Ilan sa mga pag-aaral na isinagawa ng taong 2011 at 2013 ay nagsasabing ang kawalan ng tubig sa utak ay nakakapagpababa ng kamalayang tao, pokus sa mga bagay-bagay, pagkakaroon ng iritasyon sa kapaligiran, pananakit ng ulo na maaaring magdulot sa mas matinding epekto sa kalusugan ng isang indibidwal. 

2. Pabigla-biglang pananabik sa mga pagkain.
Ang pagiging agresibo sa paghahangad ng pagkain ay maaaring maling kaisipan. Kapag tayo ay nakararanas ng gutom, dapat nating unahin na uminom ng tubig sapagkat kadalasan ang ating utak ay nagpapadala ng maling mensahe dala ng pagkagutom kaya ninanais nating kumain ng mas marami sa karaniwan. Mainam na paraan ay gumawa ng isang timpla na galing sa 1 piraso ng lemon na may isang kutsaritang asin at isang basong tubig kaysa kumain agad agad ng mga pagkaing maalat, kapag ikaw ay nanakam na sa mga maaalat, ang ibig sabihin nito ay unti-unti ka ng nawawalan ng “electrolyte” sa katawan. At kung ikaw naman ay natatakam sa matatamis na pagkain dahil sa pagbaba ng iyong “glycogen”, mas mabisang paraan na kumain gaya ng papaya, pipino, pakwan at mga prutas na makapagpapataas ng antas ng tubig sa iyong katawan.

3. Mataas na pulso at tibok ng puso
Ayon sa pag-aaral noong taong 2014, napatunayan na ang pagkatuyot ng katawan sa tubig ay may masamang epekto lalo na sa ating puso. Ito ay dahilan upang bumaba ang lebel ng ating “plasma” at nagiging malapot ang ating dugo. Kung saan kapag ito ay lumapot ay kailangan ng mas mabilis na tibok o pagbomba ng ating puso. 
Habang tayo ay bumibigat ang timbang, ang pagtibok din ng ating puso at pulso ay tumataas ng tatlong punto kada isang porsyento sa kabuuang timbang ng ating katawan.
Ang pag-inom ng tubig ang pangunahing dapat gawin kung ikaw ay makaranas ng pagsikip ng dibdib at obserbahan. Kung hindi magbabago ang pakiramdam marapat na makipagkita at kumonsulta sa inyong doktor.

4. Nanunuyot at natutuklap na balat
Ang balat ang siyang pinakamalakaing parte ng ating katawan at mahalaga na ito ay ating mapangalagaan sa pamamagitan ng pagmementina ng sapat na tubig sa ating katawan.
Kung ikaw ay mas mahina sa pag-inom ng tubig, ikaw din ay may mas mababang porsyento na maglabas ng pawis kung saan maaari itong pagsimulan ng sakit sa balat tulad ng pangangati, eczema, pakakaroon ng taghiyawat, at psoriasis. Karagdagan pa rito ay ang pagkatuyo ng mga labi at pagtutuklap ng balat nito.
Kaya kung tayo ang gumagamit ng moisturizer sa labas na anyo o sa ating mga balat, dapat din nating isipin ang pag-inom ng sapat na tubig bilang pag-aalaga sa pangloob na anyo ng ating kabuuang kalusugan. 
5. Pagod at Pagkahapo.
Kung ikaw ay isang kalse na palagiang abala at laging napapagod, ito ay isang dahilan na nawawalan ka na ng tubig sa katawan. Kapag ikaw ay nakararanas nito, malamang sa nauubos na ang iyong “oxygen” sa utak at nagdudulot ito ng mababang presyon ng dugo. May posibilidad din na manikip ang iyong hininga at mas nangangailangan ang iyong katawan ng mas mataas na antas ng enerhiya.
Isang pinakamabisang paraan rito ay ang regular na pag-inom ng tubig. Iminumungkahi din ang pagdadala ng bote ng tubig upang sa anumang oras ay maaaring makainom. 
6. Pagbabago sa kulay ng ihi at pagdalang nito.
Kung ikaw ay klase ng tao na hindi palainom ng tubig, maaari kang makaranas ng pagsakit ng iyong mga bato (kidney). Ang tungkulin ng mga bato sa ating katawan ay hindi magagampanan kung tayo ay walang regular na pag-inom ng tubig. Isang malaking suliranin kung ang beses ng iyong pag-ihi ay hindi tama o mas mababa sa apat hanggang pitong beses kada araw. Maging mapagobserba sa kulay ng ating ihi, mas matingkad ang pagkadilaw nito ay nangangahulugan na kulang tayo sa dami ng tubig.

7. Hindi maayos na pagdumi at kaakibat na problema sa panunaw.
Napakalaki ng gampanin ng tubig sa pagdaloy ng pagkain sa ating mga bituka. Kung tayo ay makakaranas ng labis na pagdurumi o pagsusuka, magiging dahilan ito ng pagkatuyot ng ating katawan na may kasamang pagtitibi. 
Napatunayan sa isang pagsasaliksik sa “European Journal of Clinical Nutrition” na ang hirap sa pagdumi ay batay sa kawalan ng tubig. Panatilihin natin ang pag-inom ng tubig upang maiwasan ang mga ganitong sitwasyon.
8. Problema sa buto at mga sugpungan nito.
Ang sugpungan at kasukasuan ng ating katawan ay nangailangan din ng tubig. Malaking porsyento din nito ay binubuo ng tubig. Kapag ito ay nagkulang, ang pagkikiskis ay maaaring mangyari at magkaroon ng labis na pananakit. 
Malaki ang nagagawa ng mga hugpungan at kasukasuan tulad ng taglay nitong pagkapit sa isa’t isa kapag tayo ay tumatakbo, naglalakad o lumulundag at kung may kakulangan sa tubig maaaring makaranas ng pananakit nito.
Isa rin at may posibilidad na mangyari ay ang pagliit o dikit-dikit ng ating mga balat at mamulikat gawa ng kakulangan sa tubig. Base sa pag-aaral at inilathala ng “Journal of Applied Physiology” noong 2008, ang tubig ay malaki ang kinalaman sa aspetong hormonal at metabolismo na lumaban at maging matibay ang resistensya.

9. Pagkaroon ng mabahong hininga at panunuyot ng mga labi.
Kaakibat ng panunuyot ng mga labi ay ang pagkakaroon ng mabahong hininga sapagkat malaki ang kinalaman ng tubig sa maayos at malusog na parte ng ating mga katawan. Ang ating laway ay naglalabas ng sangkap na panlaban sa mga bakterya na siyang dahilan ng pagbaho nito. Ang tubig ay nakakatulong sa pagpapadulas ng lalamunan upang hindi makaapekto sa ating paglunok.

10. Pananakit ng ulo at pagkalula
Ang pagkahilo at pananakit ng ulo na may kasamang lula ay isang posibleng sanhi ng kakulangan ng tubig sa ating utak. 
Ito ay may pagkakatulad sa “migraine” na siyang dulot ng mababang “oxygen” at dugo na dumadaloy sa utak.
Kaya’t ugaliin ang regular na pag-inom ng tubig at pagkain ng mga prutas na makakatulong sa ating kalusugan.
MGA DAPAT UGALIIN UPANG MAIWASAN ANG PAGKATUYOT SA TUBIG:
1. Kumain ng masusustansyang pagkain lalo na ang prutas na malaki ang magagawa sa pagbalanse ng tubig sa ating katawan.
2. Panatilihin ang regular na pag-inom at kung maaari ay palagiang magdala ng bote na lalagyan ng tubig kapag nangailangan ng uminom o nauhaw ay nariyan lamang. Gumawa rin o mag-set ng oras ng pag-inom nito na maaaring gawin sa loob ng isang araw.
3. Kung nakararanas ng anumang sakit tulad ng labis na padurumi, pagsusuka, lagnat at iba pa ay magsagawa ng mas madalas na pag-inom upang maiwasan ang “dehydration”.
4. Umiwas din sa mga gawaing makapagpapatuyo sa atin tulad ng labis na pag-inom ng alak, mga inuming nakapagpapalakas (energy drink) at mga inuming may sangkap na “caffeine”. Ugaliing magumpisa ng araw sa pag-inom ng isang baso ng tubig at tuwing bago kumain. Siguraduhing ito ay aabot sa 8-10 basong tubig sa araw-araw.
5. Kung makakaranas ka ng labis na pagkahilo, lula at pagkauhaw o madalas na pagtibok ng iyong pulso kumunsulta na sa iyong doktor at magpatingin.

Mag-post ng isang Komento

0 Mga Komento