Karamihan ng mga tao ngayon sa ating panahon ay may kagustuhan na lagyan ng kakaibang kulay ang kanilang mga buhok at sumunod sa uso kung saan ang mga ito ay natatagpuan na sa kalakaran ng nakararami.
Kung tutuusin, mas maraming kababaihan ang mas may interes sa pag-aapply ng pangkulay kaysa sa mga kalalakihan. Ito ay karaniwan na sa kanila upang makadagdag sa kagandahan at ang karamihan ay may paniniwala na ito ay nakaaapekto sa kabuuan ng kanilang itsura. Ang mga pangulay sa buhok ay may kakayahan na tayo ay magmukhang bata at kaiga-igaya sa paningin ng iba.
Ito rin ay isang napaka-importanteng dahilan kung bakit dapat nating panatilihing malusog at maganda ang ating mga buhok. Gayunman, lingid sa ating kaalaman, ang mga iba’t ibang pangkulay na ito sa ating mga buhok ay nakakatuwa at nakakatulong sa ating pisikal na anyo ay may mga kaakibat na epekto sa atin at sa kalusugan kaya’t nararapat tayong magkaroon ng sapat na kaalaman at makaiwas sa anumang sakuna o problema.
Ang mga palatandaan at sintomas sa ating buhok kapag ito ay naapektuhan na ng mga produktong pangkulay ay hindi natin kaagad mapapansin. Ito ay maaaring umabot ng mga ilang araw o linggo matapos na makulayan. Ang pinsala ay pwedeng maging malubha lalo na kung patuloy ang pagkukulay. Ito ay nakakatulong sa kagandahan ngunit sa paglaon ay makikitaan ng mga “side effects” sa ating mga nagawang pagkukulay.
Sa kadahilanang ito, nais naming makatulong sa pagbibigay ng impormasyon at maipakita ang iba’t ibang epekto sa pagkukulay ng ating mga buhok ng mas madalas sa karaniwan.
Ang mga sumusunod ay ilan sa mga epekto na makikita sa ating buhok:
1. Allergy
Kung tayo man ay nagkukulay ng ating mga buhok sa iba’t ibang kadahilanan, tulad ng pag-eeksperimento, upang maging kaakit-akit o upang matakpan ang ating mga puting buhok, ito pa rin ay may kaakibat na malubhang panganib at maging allergic sa mga produktong ito. Sa katunayan, ang isa sa pangunahing sangkap na nakakaapekto sa pagkakaroon ng allergy ay ang tinatawag na paraphenylenediamine o mas kilala na PPD.
Ang karaniwang sintomas na ating makikita ay ang pagkakati, pamumula at pamamaga ng ating anit, panaka-nakang balakubak, maaari rin kumapal o mamaga ang mga mata at kung minsan din ay ang pagtutuklap ng balat sa paligid nito, sa ilong at sa kabuuan ng mukha.
2.Brittle Hair o Panunutong ng buhok
Kung tayo ay tuloy-tuloy ang pagkukulay sa pangkaraniwan, ito ay maaari magpatong-patong gawa ng mga kemikal na sangkap ng pangulay. Ang mga kemikal na ito ay may kakayahang makapagpatigas ng buhok at umpisahang maialis ang “moisture” o dulas ng buhok pati ng ang kintab bilang resulta nito.
Karagdagan pa rito ay pagdating ng panahon na wala na tayong paraan kundi ang pagdedesisyon na alisin ang apektadong parte ng ating buhok, ang pagbawas o paggupit. Ito ay nakakalungkot ngunit ito ay kailangan gawin balang araw.
3. Irritable Skin
Maraming tao ang hindi nakakaalam patungkol dito, na ang mga pangulay ay nagdudulot ng pangangati at iba’t ibang reaksyon sa balat. Ilan lamang sa mga palatandaan ay ang mainit na pakiramdam, pamumula at pagtutuklap ng balat, kasama na ang pangangati at hindi maginhawang pakiramdam. Inirerekomenda na magkaroon muna ng tinatawag na “patch test” apatnapung oras o higit pa (48 hours) bago kulayan ang buhok.
Sa pagsasagawa ng “patch test” maging mapanuri sa loob ng dalawang araw upang tayo ay makasiguro na walang “allergic reaction” at pangangati ang mangyayari. Kung may maramdaman na anumang pagkabalisa sa balat o pangangati, marapat na ihinto ito ng agaran. Kailangan din magpunta sa espesyalista (dermatologist) kapag nakakita ng pamamaga at patuloy na pangangati sa balat.
4.Kanser
Marami ng mga eksperimento sa laboratoryo ang naisagawa at napatunayan na ang sangkap ng mga pangulay ng buhok na PPD ay may kakayahang makasira ng DNA cells at maaaring humantong sa kanser. Gayunpaman, maging mababa man ang sangkap ng PPD ang makikita sa mga pangtina sa buhok ito ay nagdudulot pa rin upang makasira ng ating buhok.
Sa katunayan, nagkaroon ng halu-halong diskusyon at kuro-kuro sa mga pananaliksik. Base rin sa American Cancer Soiety, sila ay may katatagan at naniniwala na dapat pang magsagawa ng marami at agarang pagsisiyasat bago humantong sa isang konklusyon, lalo na ang pagsasabing nakaka-kanser ang mga tina sa buhok. “Resorcinol” ay isa pang kemikal na makikita sa mga pangkulay. Ito ay nakilala bilang nakasasagabal sa pagtaas ng panganib sa kanser sa dibdib kung saan nawawala ang mga natural na hormone ng ating katawan.
5.Pamamantal
Karaniwang dulot ng pagkukulay sa buhok at marami na ang nakaranas nito ay ang pagkakaroon ng kalat kalat na pantal na may kasamang pamumula sa anit. Ito ay makikita kung saang lugar sa anit naiapply ang pangtina at ang paligid nito. Kung ito ay mangyayari sa iyo, mabilis na magpunta at kumausap ng espesyalista sa balat, upang malapatan ng lunas at makaiwas pa sa higit pang komplikasyon.
6. Asthma o Hika
Marami nang pag-aaral ang nagpakita na ang mga “hairstylists” o mga taong may kaugnayan sa pagpapaganda ng buhok ay siyang madaling kapitan o makitaan ng allergy sa balat, at ang pagkakaroon ng hika. Ang pagkakaroon ng hika ay karaniwang resulta ng pagiging konektado sa ganitong uri ng trabaho kung saan makikita ang PPD na kasama sa mga sangkap na pangkulay. Ang pagiging lantad sa ganitong sangkap ay may abilidad na gawing sensitibo ang daraanan ng hangin at magdudulot ng hirap sa paghinga.
7.Mga tagong pinsala
Ang mga ilang pangkulay sa buhok ay madaling mabibili sa merkado ngunit mahirap magtiwala sa kalidad nito, maaari tayong makakuha ng iba’t ibang komplikasyon na magdadala sa ating sa mas malaking gastos. Upang ito ay maiwasan, tayo ay maging mapanuri at mapagtanong sa mga suki natin sa parlor sa halaga at kalidad ng gagamiting produkto at ang panahon na itatagal nito. Maging wais at maingat sa pagbili at paggamit ng pangkulay sa buhok.
Ating alagaan ang ating kalusugan higit sa anupaman, kasama na ang pag-aayos ng ating pisikal na anyo. Maging mapanuri sa maaring maging epekto o mangyari upang agad na maiwasan ang paglaganap o paglala nito sa ating kalusugan.
Ating isipin at maging maingat sa lahat ng bagay. Magumpisa tayong mamuhay ng maayos at may malusog na pangangatawan sa pagkain ng mga prutas at gulay na siyang makakatulong sa ating pagpapaganda sa loob at labas ng ating mga itsura. Atin itong ibahagi sa ating pamilya at mga kaibigan upang makatulong sa kanila lalo na sa kaalaman.
0 Mga Komento